Sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis at reklamo ng TNVS drivers sa mababang pamasahe, umigting ang panawagan para sa mas mahigpit na regulasyon sa ride-hailing platforms.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Ronald Gustilo, nanawagan ito sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tutukan at masusing suriin ang pricing mechanisms ng mga ride-hailing platform, upang matiyak na ang pamasahe ng mga pasahero ay naaayon sa aprubadong fare structure.
Ito ay kasunod ng mga ulat mula sa mga TNVS driver na nakararanas umano ng mababang pamasahe sa ilang platforms, sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Ayon kay Gustilo, aktibo nilang mino-monitor ang mga ride-hailing apps matapos makatanggap ng ulat nitong mga nakaraang buwan hinggil sa isang platform na umano’y nag-aalok ng lubhang mababang pamasahe.
Bagama’t wala aniyang problema kung mas mababa ang singil, binigyang-diin niyang dapat pa rin itong naaayon sa itinakdang taripa ng LTFRB, dahil kung bababa rito ay maaaring malugi ang mga driver at magdulot ng isyu sa regulasyon.
“Kami, wala namang kaming problema kung mababa yung singil. Pero siyempre, ito po ay dapat naayon sa taripa ng LTFRB dahil kung hindi, una, naging uncompetitive po ito at ang pangalawa, nalulugi yung driver lalo po ngayon na yung talagang pagsirit ng diesel at gasolina ay sbrang taas,” saad ni Gustilo.
Ibinahagi pa niya na posibleng dulot ito ng “price war” sa pagitan ng mga platform upang makakuha ng mas maraming pasahero, ngunit nagreresulta ito sa hindi patas na kita para sa mga driver, lalo na sa gitna ng mataas na presyo ng diesel at gasolina.
Bagama’t nagpatupad na ng provisional fare increase ang LTFRB upang makatulong sa mga drivers, lumilitaw na hindi ito lubusang nararamdaman sa aktwal na pamasahe na iniaalok sa mga pasahero sa ilang ride-hailing apps.
Binigyang-diin din ng grupo na mahalagang mapanatili ang balanse sa pagitan ng abot-kayang pamasahe para sa commuters at makatarungang kita para sa mga driver, upang maiwasan ang posibleng pagbaba ng bilang ng mga bumibiyahe at aberya sa serbisyo.
“Isang dahilan na nakikita ng aming grupo na ginawa nila ito ay posileng bahagi ito ng kanilang ‘price war’ na kung saan nag o-offer yung isang platform ng mas mababang pamasahe para mas maraming pasahero ang kanilang makuha. kumbaga naghahabol sila sa market shares. Yun nga lang, dito po pumasok ang pagkalugi sa mga drivers,” dagdag pa nito.
Muling iginiit ng grupo ang panawagan para sa mas mahigpit na pagmonitor sa implementasyon ng fare matrix, at tiniyak na patuloy nilang iuulat sa kinauukulan ang mga natatanggap na reklamo upang matiyak ang patas na kumpetisyon at proteksyon sa parehong driver at pasahero
















