Gagawin nang lingguhanan ang simulation exercise ng direktiba ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III na 5 minute response time ng mga pulis para sa lahat ng mga himpilan ng Pulisya.
Iyan ang mga naging bagong paguutos ni Torre matapos na sibakin sa pwesto ang walong chief of police sa National Capital Region (NCR) matapos na mabigong tumugon sa kaniyang naturang direktiba.
Ani Torre, ang kaniyang mga naging direktiba ay malinaw at simple dahil matagal na aniya itong nagagawa sa Quezon City lalo na ilalim ng kaniyang liderato bilang commander ng Quezon City Police District (QCPD).
Layon din lamang ng direktibang ito na mas bilisan pa ang pagresponde ng kanilang hanay upang masiguro na maaasahan ang kanilang kapulisan sa oras ng mga pangangailangan.
Samantala, nagbabala naman si Torre sa mga commanders na hindi makakatugon sa kaniyang utos.
Aniya, ang mga mabibigong tumugon at sumunod sa naturang direktiba ay agad na masisibak sa kanilang mga pwesto at posibleng makasuhan dahil sa failure to comply to the directives of the Chief PNP.
Ilang mga regional directors din ang nanganagnib na masibak sa kanilang mga pwesto dahil sa hindi pagsunod sa atas na ito ng hepe.
Paliwanag ni Torre, ang kaniyang utos ay isang mahigpit na direktiba mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaya naman kailangang agad na maaksyunan agad ang utos na ito para sa mas mabilis na pagresolba ng kriminalidad sa bansa.
Inaasahan naman na ito ay magsisislbi na rin aniyang warning sa iba pang mga regional directors at commanders na sundin ang 5 minute response time dahil aniya, maraming mga pulis ang nakalinya para pumalit sa kanila oras na hindi nila magampanan ng maayos ang kanilang mga tungkulin.