Sinimulan ngayong Lunes, Hunyo 16, ng Department of Education (DepEd) ang School Year 2025-2026 sa pagbubukas ng klase ng milyun-milyong mag-aaral, kasabay ng pilot implementation ng bagong curriculum para sa Senior High School (SHS) sa mahigit 800 paaralan sa bansa.
Sa bagong curriculum, ang core subjects ay nabawasan mula 15 patungo sa 5 na may mga asignaturang: Effective Communication, Life and Career Skills, General Mathematics, General Science, at Pag-aaral ng Kasaysayan at Lipunang Pilipino.
Ang mga asignaturang ito ay ituturo na ngayon sa loob ng dalawang semestre upang mas mapabuti ang pagkatuto ng mga mag-aaral at bawasan ang academic workload ng mga ito.
Nabatid na pinili ang 841 pampubliko at pribadong paaralan batay sa kanilang kakayahang magpatupad ng programa. Layunin ng DepEd na mas maging handa ang mga mag-aaral para sa kolehiyo at trabaho.
Gayunman, nagpahayag ng pangamba si Rizal High School Principal Richard Santos sa posibleng epekto sa mga guro at pasilidad kung sakaling ipatupad ito sa kanila. Aniya, posibleng maapektuhan ang teaching load ng mga guro at magdulot ito ng double shifting sa klase.
Naglabas din ng pahayag ang Teachers’ Dignity Coalition na kulang ang suporta sa mga paaralang kalahok sa pilot implementation, gaya ng kakulangan sa mga classroom, learning materials, at aklat. Nanawagan din ang National Union of Students of the Philippines ng karagdagang pondo para sa edukasyon.
Samantala, inanunsyo ni Education Secretary Sonny Angara ang pagbubukas ng 20,000 teaching positions ngayong taon upang mapabuti ang kalidad ng edukasyon at mabawasan ang laki ng klase.