-- Advertisements --

Makakabili na ng bigas sa halagang 20 pesos kada kilo ang mga minimum wage earners sa ilalim ng programang inilunsad sa buong bansa ngayong araw ng Department of Agriculture (DA) katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE).

Pinangunahan nina DA Sec Francisco Tiu Laurel Jr at DOLE USec Atty Benjo Benavidez ang paglulunsad at ngayong araw din ay ipinamahagi ang tig-limang kilong bigas sa halos 50 na manggagawa mula sa Manila Harbour Centre sa may Tondo.

Paglilinaw ni Benavidez na may listahan ang kagawaran ng mga benepisyaryo ng P20 Rice Project. Aniya, dumadaan sa masusing pagsusuri ang kanilang paglilista at personal nilang pinupuntahan ang mga kumpanya para alamin ang mga minimum wage earners. Kasunod nito ang pagpasa nila sa kagawaran ng agrikultura para naman tignan kung may nag-doble na mga benepisyaryo.

Target ng ahensya na mabigyan ngayong taon ang nasa 120,000 na mga minimum wage earners mula sa 500 na iba’t ibang kumpanya katulad ng retail at service establishments. Pagtitiyak ni Benavidez na may balak pa silang palawakin ito kaya naman titignan din nila ang magiging resulta ng pilot testing.

Samantala, laking pasasalamat naman ng mga manggagawa mula sa Manila Harbour Centre, isa na riyan si Fernan Nerida na sinabing first time nila maranasan ang ganitong programa sa tagal nilang nagtatrabaho sa pantalan.

Dagdag pa niya, malaking bawas na ito sa kanilang mga gastusin bilang manggagawa. Maaari na lang nila ilaan sa mga iba pang pangangailangan para sa pamilya ang kanilang sweldo.

Ang programang ‘P20 Benteng Bigas Meron Na for Minimum Wage Earners’ ay naglalayong makatulong sa mga manggagawa na may mababang kita upang mapabuti pa ang kanilang kakayahang bumili at ilaan pa ang kanilang sweldo sa iba pang pangangailangan. Bahagi rin ito ng pagkilala ng pamahalaan para sa kanilang inaambag na kasipagan sa lipunan.