Personal na sinuri at sinubukan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang electric-bus o e-bus na proyekto ng mga Persons with Disabilities (PWDs) na kabilang sa mga miyembro ng Sustainable Livelihood Program Associations (SLPA).
Ang mga e-bus na ito ay idinisenyong ‘PWD-friendly’ na kayang magsakay ng apat na wheelchair, may CCTV para sa seguridad, at may mga charging ports. Maaari rin itong i-book gamit ang isang mobile app.
Bahagi ito ng pilot project na tinatawag na Electric Transportation Service (PWD-ETS) sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng ahensya. Layunin nitong maging kabuhayan ng mga benepisyaryo habang nagbibigay ng ligtas at maaasahang transportasyon sa mga kapwa PWD.
Kaugnay pa nito target din ng kagawaran na mapalawak ang access ng mga persons with disability (PWD) sa ligtas at madaling transportasyon sa bansa.
Sa kasalukuyan, mahigit 2,000 na indibidwal mula sa 10 lungsod at munisipalidad ang kabilang sa proyekto. Ayon kay Gatchalian, dadagdagan pa ang bilang ng e-bus units at inaasahang maging alternatibong pampublikong transportasyon ito upang maiwasan ang mga insidente ng diskriminasyon o pananakit, gaya ng nangyaring insidente sa isang PWD na may autism na sinaktan habang nasa pampasaherong bus.
Samantala, nagpasalamat din si Gatchalian sa Department of Transportation (DOTr) kasunod ng agarang legal na aksyon sa konduktor na nanguryente ng isang Person with Disability (PWD) sa loob ng bus. Aniya, ito ay kanilang susuportahan at nakatakda rin nilang bisitahin ang pamilya upang matulungan din sila sa paghahain ng kaso.