-- Advertisements --

Ipag-uutos na ng National Task Force against COVID-19 na gawing mandatory sa mga pabrika at malalaking kompanya o negosyo ang pakikipag-ugnayan sa mga nakasasakop na local government units (LGUs) kaugnay sa mga ipinatutupad na hakbang laban sa COVID-19.

Nakasaad sa isang joint memorandum circular ng Department of Health (DOH), Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Labor and Employmewnt (DOLE) na dapat ang malalaking kompanya o pabrika ay magkaroon na ng sarili nilang testing capacity at isolation facility.

Sinabi ni NTF vice chairman at DILG Sec. Eduardo Año, kasabay nito ay dapat may pakikipag-ugnayan muna sa LGU ang isang pabrika o industrial zone bago sila magsagawa ng testing sa kanilang mga manggagawa.

Ayon kay Sec. Año, ito ay para mailapat ang tamang paraan ng pangangasiwa sakaling mayroong magpositibong mga kawani.

Inihalimbawa ni Sec. Año ang pinuntahan nilang industrial zones sa Laguna kamakailan na nabatid na nagsagawa ng COVID-19 test sa kanilang mga manggagawa at nagkaroon ng positive cases pero imbes na i-isolate agad ang mga ito, pinauwi pa at pinapunta sa kani-kanilang barangay.

Kaya lalo tuloy umanong nagpakalat ito ng virus dahil marami pa itong nakahalubilong ibang tao habang pauwi at pagpunta sa barangay.