Dating testigo sa Senado na si Alyas ‘Rene’ inirerekomenda ng senador na sampahan ng kaso
Inirerekomenda ni Senador Sherwin Gatchalian na sampahan ng kaso si Alyas “Rene”, ang dating tumestigo sa pagdinig kaugnay sa kaso ng puganteng si Pastor Apollo Quiboloy.
Kasunod ito ng paglantad ni Alyas “Rene” na pinilit umano siya ni Senadora Risa Hontiveros para tumestigo laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, Vice President Sara Duterte at Quiboloy.
Ayon kay Gatchalian, dapat makasuhan ng perjury at lying under oath si Alyas Rene dahil nanumpa aniya ito sa Senado na magsasabi nang buong katotohanan para makuha ang hustiya ngunit lumalabas aniya na taliwas na ang kanyang sinasabi.
Nagsinungaling aniya ito sa mataas na kapulungan at sa taumbayan at sampal ito sa mukha ng Senado bilang isang institusyon.
Una nang pinasinungalingan ni Hontiveros ang mga alegasyon na isiniwalat ng dating testigo sa pagdinig ng Senado ukol sa mga krimen ni Quiboloy.
Giit ng senadora, sangkaterba ang ebidensiya ng kanyang opisina na magpapatunay na gawa-gawa lamang ang pahayag ngayon ni Alyas “Rene.”
Gayunpaman, naghahanda ang senadora ng legal response kaugnay sa harassment at intimidation na ginawa ni Alyas Rene.