-- Advertisements --

Sinimulan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang demolisyon process para sa mga kabahayan sa Barangay San Jose, Navotas, matapos ang kamakailang pag-guho ng river wall na nagdulot ng matinding banta sa mga residente.

Ayon sa MMDA, kailangang mauna ang pagbaklas ng mga informal settlers bago maitayo muli ang pader. Inirekomenda rin ng ahensya ang pagtatayo ng sheet pile wall bilang matibay na panangga kaysa sa mga sandbags.

Nababahala naman ang ilang residente sa lugar ukol sa relocation sa Naic, Cavite na unang inalok ng lokal na pamahalaan sa kanila.

Ayon kay Navotas Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Chief Vonne Villanueva, tanging mga bahay na ligtas ang kanilang papayagang balikan ng residente. Sa kasalukuyan, lima na lang ang pamilyang nananatili sa evacuation center mula sa dating 79.

Patuloy naman ang paggawa ng bagong pader sa ilog sa tulong ng MMDA, lokal na pamahalaan, at isang pribadong kumpanya, at inaasahang matatapos ang paunang bahagi ng proyekto sa Hulyo 8.