LOS ANGELES – Mistulang walang hirap na dinispatsa kanina ng Utah Jazz ang Los Angeles Clippers, 104-91, sa Game 7 para umusad sa second round ng NBA.

Nanguna sa opensa ng Jazz sina Gordon Hayward na may 26 points habang sina George Hill at Derrick Favors ay kapwa may tig-17 points.

Ito ang unang  postseason victory ng Utah mula noong taong 2010.

Makakaharap ng Jazz sa second round ang powerhouse team na Golden State Warriors sa Game 1 simula sa Huwebes.

Kung maalala, namayani ang Warriors sa pamamagitan ng 4-0 sweep sa first-round playoff laban sa Blazers sa Western Conference.

Sa resulta ng naging laro kanina ng Clippers, ito na ang ikalawang sunod na taon na nagbakasyon sa first round kung saan noong last season hindi rin sila umubra sa Portland.

Sa dalawang NBA playoffs, hindi na naman nakatapos si Blake Griffin dahil sa injuries.

Nasayang din ang diskarte ni DeAndre Jordan na may 24 points, 17 rebounds sa kanyang ika-pitong double-double sa serye para Clippers.

Mula naman sa bench si Jamal Crawford ay umeksena ng 20 points habang si
Chris Paul ay nagkasya sa 13 points.

Minalas pa si Paul at hindi man lamang naka-score sa fourth quarter at sa halip ay tatlong assists ang naitulong.

Samantala, agaw atensiyon naman ang panonood sa courtside ng mga pop superstars na sina Beyonce at Jay Z na nakasuot ng sunglasses.