Inihayag ng Department of Justice na determinado silang mayroong matatagpuang labi ng mga nawawaalang sabungero sa bahagi ng Taal Lake.
Ayon mismo kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, naniniwala silang matutukoy ang lokasyon ng mga biktimang sabungero na inilibing umano sa naturang lugar.
Kanyang sinabi na hawak nila ang mga nakalap na impormasyon at maging matibay na testimonya mula sa mga testigo na siyang nagbahagi sa kanila kung saan maaring itinapon ang mga nawawalang sabungero.
Ito’y kasunod ng isiwalat ni alyas ‘Totoy’ o Julie ‘Dondon’ Patidongan ang alegasyong inilibing umano ang mga ‘missing sabungeros’ sa Taal Lake.
Kaya’t bunsod nito’y sineguro ng Department of Justice ang kanilang planong pagsasagawa ng ‘diving operation’ upang matukoy ang katotohanan hinggil sa mga rebelasyon ni alyas ‘Totoy’.
Si alyas ‘Totoy’ o Julie ‘Dondon’ Patidongan ay ang siyang nagsiwalat din na sangkot umano ang negosyanteng si Charlie ‘Atong’ Ang at aktres na si Gretchen Barretto sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Kung saan ibinunyag nito ang alegasyong si Atong Ang ang ‘mastermind’ sa pagkawala ng mga biktima na magpasahanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan.
Kaya’t ang kampo ni Ang ay mariing pinabulaanan ang paratang na ito at iginiit naming si alyas ‘Totoy’ ay walang tiyak na ebidensya.
Bunsod nito’y tinawag nila ang atensyon ng Department of Justice hinggil kay alyas ‘Totoy’ kasabay ng pagturing sa kinilalang testigo na walang kredibilidad.
Ngunit ito naman ay agad na sinagot ni Justice Secretary Remulla at sinabing inililihis lamang ang taumbayan para umayon sa kanilang panig ang gusto nilang maipalabas sa publiko.
“Kakargahan kayo ng mga yan, PR job yan eh kaya nga I would rather not discuss it. Kasi nga kakargahan kayo nyan para magkaroon ng slant ang story niyo in there favor… gusto natin totoo lang,” ani Secretary Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.
Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang pag-iimbestiga ng Department of Justice sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Bagama’t ilang taon na ang nakalipas buhat nang ito’y magsimula, tiniyak naman ng kagawaran na maisisilbi pa rin ang hustisyang inaasam lalo na ng mga kaanak sa ‘missing sabungeros’.