-- Advertisements --

Itinalaga bilang bagong head coach ng New York Knicks si Mike Brown. Papalit si Brown kay Tom Thibodeau, na sinibak isang buwan na ang nakalilipas.

Si Brown, 55, ay dalawang beses nang kinilalang NBA Coach of the Year. Huli siyang naging head coach ng Sacramento Kings ngunit natanggal noong Disyembre matapos ang mahigit dalawang season.

Dati rin niyang pinangunahan ang Cleveland Cavaliers (2005–2010) at Los Angeles Lakers (2011–2012), kung saan nagtala siya ng kabuuang 454 panalo at 304 talo sa kanyang coaching career.

Isinagawa ng Knicks ang pangalawang panayam kay Brown noong Martes.

Kabilang din sa mga ikinonsidera ng team sina dating Charlotte Hornets coach James Borrego at Minnesota Timberwolves assistant coach Micah Nori.

Sinubukan din ng Knicks na kunin sina Jason Kidd (Dallas Mavericks), Chris Finch (Minnesota Timberwolves), at Ime Udoka (Houston Rockets), ngunit tinanggihan ng kani-kanilang mga koponan.

Kasama rin sa mga in-interview sina dating Memphis Grizzlies coach Taylor Jenkins at si Dawn Staley, head coach ng kampeon ng South Carolina sa women’s college basketball.

Bilang assistant coach, may apat na NBA championship rings si Brown — isa mula sa San Antonio Spurs (2003) at tatlo mula sa Golden State Warriors (2017, 2018, 2022). Siya rin ang nagdala sa Cavaliers sa NBA Finals noong 2007.