CEBU CITY – Sa kulungan ang bagsak ng isang janitor na diumano’y nagnakaw sa loob ng Gaisano Grand Mall sa Balamban, Cebu.

Kinilala ang nahuli na si Molin Secretaria, 27-anyos na residente ng Barangay Biasong sa nasabing bayan.

Ayon kay Police Major Christian Torres, hepe ng Balamban Police Station, ninakaw ni Secretaria ang kita mula sa 13 establishment na nagkakahalaga ng P80,000 at nakunan ito ng closed circuit television camera.

Dagdag pa ni Torres na naganap ang pagnanakaw sa loob ng grocery section, isang oras matapos magsara ang mall noong October 27 ng gabi.

Kinabukasan, dumulog agad sa tanggapan ang isang tenant sa Balamban Police Station tungkol sa nawawalang kita at kinalaunan ay inamin naman ni Secretaria ang ginawa.

Nabatid na dalawang taon nang nagtatrabaho ang suspek sa naturang mall bilang isang janitor.

Inamin ni Secretaria ang pagnanakaw dahil nangangailangan daw ito ng pera upang ipagamot ang kanyang dalawang taong gulang na kambal na nilalagnat.

Nahaharap pa rin ang suspek sa kasong robbery.