-- Advertisements --

Malawak ang itinatakbo ngayon ng imbestigasyon ng malakanyang sa nangyaring iregularidad sa inilabas na resolusyon ng sugar regulatory administration board.

Sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz Angeles na hindi lamang tututok sa simpleng iligal na resolusyon ng SRA ang pagsisiyasat bagkus ay gustong malaman ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung gaano karaming mga opisyal ang mga nasasangkot, sino sino ang mga ito, ano ang hangganan ng kanilang pagkakasangkot sa isyu at kung ang ginawa ba ng mga ito ay may halong malisya, kapabayaan o simpleng maling desisyon lamang.

Maliban dito, sinabi ni Angeles na nakasisiguro siyang sinisilip na rin ni Pangulong Marcos ang mga sumbong ng umanoy pagkakasangkot sa smuggling ng ilang opisyal ng Department of Agriculture (DA).

Aminado ang kalihim na hindi nila pwedeng pakialaman ang ginagawang imbestigasyon, pero naghihintay aniya siya kung may makukuhang impormasyon hinggil dito at pag may sapat na dahilan ay siguradong may gugulong na mga ulo o mapaparusahan.

Sa ngayon ay kailangan muna aniyang maghintay at malaman kung ano ang tunay na nangyari para malaman ang mga gagawing hakbang upang hindi na maulit ang insidente.

Tiniyak ni Angeles na kapag may resulta na ang imbestigasyon ay agad din naman itong isasapubliko ng palasyo.