-- Advertisements --

Umapela si Atty. Israelito Torreon sa mga Senador na ikonsidera ang kinabukasan ng bansa kung sakali mang ituloy na pagbotohan sa susunod na linggo ang naging desisyon ng Supreme Court ukol sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Si Torreon ang isa sa mga abogadong naghain ng petisyon sa kataas-taasang hukuman upang kwestiyunin ang legalidad ng complaint, bagay na pinaburan kinalaunan ng high court.

Ayon kay Torreon, walang makakapigil sa mga Senador kung kanilang pagbotohan kung itutuloy o hindi ang pagsusulong ng trial laban sa pangalawang pangulo.

Gayunpaman, dapat aniyang ikonsidera ng mga ito ang kinabukasan ng bansa dahil ang gagawin nila o resulta ng kanilang gagawin ay tiyak na magdudulot ng constitutional crisis na maglalagay sa bansa sa mas maraming problema.

Bagaman magiging numbers game na lamang ito kung gagawin ng Senado, naniniwala ang abogado na dapat munang pagnilayan ng mga Senador ang posibleng magiging kakalabasan ng naturang hakbang, sakaling kanila itong itutuloy.

Nakatakdang talakayin ng Senado ang naturang isyu sa Agusto-6.

Ayon kay Atty. Torreon, karapatan ng bawat Senador na bumoto sa dikta ng kanilang paninindigan pagsapit ng naturang botohan ngunit naniniwala itong karamihan sa mga Senador ay naiintindihan ang kapangyarihan ng Korte Suprema na bigyang-kahulugan ang mga probisyon ng saligang batas.

Kampante rin ang batikang abogado na naiintindihan ng nakararaming mga Senador na kailangan nilang sundin ang desisyon ng SC kaysa personal na desisyon.