Nag-isyu ng matinding babala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa pagpapakalat ng fake news at sinadya na maling impormasyon kaugnay sa mga operasyon sa West Philippine Sea (WPS).
Sa isang statement, pinuna ng AFP ang mga pagtatangkang i-mislead ang publiko sa pamamagitan ng paggamit ng luma o recycled footage bilang bagong insidente sa Ayungin shoal.
Hindi lamang aniya iresponsable ang ganitong mapanlinlang na taktika kundi naglalayon din itong manipulahin ang pananaw ng publiko, baluktutin ang katotohanan at pahinain ang nagkakaisang paninindigan sa paggiit sa sovereign rights at hurisdiksiyon ng ating bansa.
Sa kabila nito, nananatili aniyang hindi natitinag ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa pagdepensa sa ating soberaniya at hurisdiksiyon salig sa konstitusyon at international law partikular na sa ilalim ng United Nation Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 arbitral award.
Hinihimok din ng AFP ang publiko na manatiling mapanuri, iberipika ang mga impormasyon at sumangguni lamang sa mapagkakatiwalaan at official sources.
Iginiit din ng AFP na ang disinformation ay isang direktang banta sa ating pambansang integridad at pagkakaisa kayat ang katotohanan ang ating pinakamalakas na depensa.
Ginawa ng AFP ang babala kasunod ng lumabas na video ng pag-tow umano ng barko ng China Coast Guard sa Philippine vessel na nagresulta sa komprontasyon sa Ayungin shoal. Subalit walang petsa na nakalagay kung kailan nangyari ang insidente kayat kwestyonable ang pagiging lehitimo ng naturang insidente.