Itinanggi ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela ang napaulat na pag-tow o paghatak ng barko ng China Coast Guard (CCG) sa Philippine vessel sa Ayungin shoal.
Aniya, walang katotohanan ang naturang claims at walang namonitor ang PCG na ganitong nangyari kamakailan lamang sa Ayungin shoal.
Posible din aniya na lumang video at mga larawan ang mga ito na inilabas ngayon.
Hindi din aniya batid kung ano ang motibo ng China Coast Guard sa paglalabas ng naturang lumang mga video.
Subalit, naniniwala si Comm. Tarriela na ito ay panibagong fake news na ipinapakalat ng CCG para pahinain ang paninindigan ng bansa sa posisyon nito sa WPS.
Matatandaan, matagal nang nakaangkla sa Ayungin shoal ang lumang barkong pandigma ng bansa na BRP Sierra Madre na nagsisilbing outpost ng bansa para igiit ang ating soberaniya sa WPS. Kung saan patuloy na isinasagawa ang resupply mission para sa mga tropa ng bansa na nakaistasyon doon.