-- Advertisements --

Nakahanda ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magsagawa ng imbentaryo sa flood control projects na saklaw nito para ipakitang walang mga anomaliya sa proyekto.

Ayon kay MMDA Chairman Atty. Romando Artes, na ang saklaw ng kanilang ahensiya ay ang mga flood control projects sa Metro Manila na limitado sa pag-operate sa 71 pumping stations na itnurn-over ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kanila at ang pagmentine sa drainage system gaya ng canal at mga estero patungo sa naturang mga pumping stations.

Subalit, ang nalalabi aniyang flood control programs at mga proyekto ay sakop na ng DPWH kabilang na dito ang rehabilitasyon at malakihang pagkumpuni o pagsasaayos ng mga pumping stations.

Tinukoy din ng opisyal ang navigational gate sa Navotas City na bagamat ito ay pinapatakbo ng MMDA, ang DPWH naman aniya ang siyang nagsasagawa ng pagsasaayos dito.

Gayundin, sinabi ng MMDA chief na ang mga lokal na pamahalaan ang karamihan na nakatoka sa mga drainage systems sa inner streets maliban sa mga pangunahing kakalsadahan .

Samantala, ayon kay chairman Artes, mayroon aniyang nakuha ang ahensiya na permits mula sa mga lokal na pamahalaan para sa mga isinasagawang flood control projects para matiyak na hindi nadodoble ang mga ito.

Matatandaan sa ikaapat na ulat sa bayan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sinita ng Pangulo ang aniya’y palpak, gumuguho at guni-guni lamang na flood control projects at nagbantang mananagot ang mga nangurakot sa likod ng “ghost projects”.

Bunsod nito, inatasan ng Pangulo ang DPWH na agad na magsumite ng listahan ng lahat ng flood control projects mula sa bawat rehiyon na sinimulan at nakumpleto na sa nakalipas na tatlong taon. Sinabi din ng Pangulo na sa mga susunod na buwan makakasuhan ang lahat ng mga lalabas na may sala mula sa isasagawang imbestigasyon kasama na ang mga kasabwat na kontratista sa buong bansa.

Sa panig naman ng DPWH, sinabi ni Sec. Manuel Bonuan na agad silang magsasagawa ng imbentaryo sa lahat ng flood control projects para malaman kung nagkaroon nga talaga ng anomaliya.

Matatandaan na maraming lugar sa Luzon at Visayas ang nabaha dahil sa matitinding pag-ulang dala ng habagat at sunud-sunod na mga bagyo sa kabila pa ng mga ginagawang flood control projects ng gobyerno. Naapektuhan ng matinding mga pagbaha ang milyun-milyong mga Pilipino at kumitil din ng mahigit 30 buhay.