-- Advertisements --

All-set na ang nakatakdang State Visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa India, simula August 4 hanggang 8, 2025, bilang tugon sa nauna nang imbitasyon ni Prime Minister Narenda Modi. 

Ayon kay Foreign Affairs Asec Evangeline Ong Jimenez -Ducrocq, na layon ng pagbisitang ito na patatagin pa ang ugnayan ng Pilipinas at India, at gamitin ang oportunidad para makapagbukas pa ng balikatan sa linya ng seguridad, ekonomiya, science and technology, at people to people cooperation. 

Kabilang sa mga nakalinyang aktibidad ng pangulo, ang pagharap sa Filipino Community, sa mismong araw ng kaniyang pagdating sa India (August 4). 

Sa New Delhi, magkakaroon ng pulong ang pangulo kasama si Indian President HE Murmu. 

Magkakaroon rin ng bilateral meeting ang pangulo, kasama si Indian PM HE Narendra Modi. 

Bukod pa dito ang pulong kasama ang Presidente ng Bharatia Janata Party, BJP, at chair Minister of Health and Federal welfare Janat Prakash Nadda. 

Nakalinya rin ang dalawang business events ng pangulo. Kabilang ang pakikipagpulong sa Indian CEOs at ilang kumpaniya. 

Ang Philippine delagation na makakasama ng pangulo, bubuuin nina Foreign Affairs Secretary Maria Teresa Lazaro, National Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr., Trade and Industry Secretary Christina Roque, at Presidential Adviser for Investment and Economic Affairs Frederick Go. 

Target ng pamahalaan na palakasin pa ang maritime cooperation sa pagitan ng Pilipinas at India. 

Umaasa sila na mapalawak at palalimin pa ang  relasyon at  kooperasyon ng dalawang bansa.

Nasa anim na kasunduan ang nakatakdang lagdaan ng Pilipinas at India subalit posibleng dumami pa ito.

Ang mga lalagdaang kasunduan ay may kinalaman sa law, culture, science and technology at iba pa.

Kinikilala kasi ng Pilipinas ang mga potensyal na pang-ekonomiya at estratehikong mayroon ang India, na posibleng magbukas ng mga posibilidad para sa hinaharap.