Ibinunyag ni Department of Agriculture (DA) Sec. Francisco Laurel Jr. ang pagkakasangkot ng mahigit 20 pribadong kumpaniya sa mga serye ng rice smuggling dito sa Pilipinas.
Ang mga naturang kumpaniya aniya ay natukoy sa pamamagitan ng mahigpit na kolaborasyon sa pagitan ng DA, Bureau of Customs (BOC), at Philippine National Police (PNP).
Ang mga ito ay unang natunton sa mga serye ng operasyon sa iba’t-ibang bahagi ng bansa – marami sa kanila ay naharang sa mga pwerto.
Sa kasalukuyan, anim sa kanila na ang nasampahan ng kaso.
Giit ng kalihim, hindi madali ang paghahain ng kaso laban sa mga malalaking kumpaniya, lalo at nalilimitahan lamang ang DA sa food safety issues.
Nakikipag-kolaborasyon din ito sa BOC para sa paghahain ng karagdagang kaso tulad ng smuggling na isa sa mga papel ng naturang opisina.
Samantala, natukoy na rin ng DA ang ilang customs broker na pangunahing sangkot sa pagpupuslit ng mga agri products, lalo na ang bigas. Gumugulong na aniya ang imbestigasyon laban sa mga broker para sa tuluyang pagsasampa ng kaso.
Kung babalikan sa ika-4 na Ulat sa Bayan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., binalaan niya ang mga rice smuggler na patuloy na nananabutahe sa trade at agri sector sa bansa. Ayon kay Pang. Marcos, hahabulin sila ng gobiyerno upang mapanagot sa ginagawang panananamantala.