ILOILO CITY – Pinabulaanan ni Iloilo 5th District Cong. Raul ‘Boboy’ Tupas ang impormasyon na may plano ang mga kongresista na patalsikin sa pwesto si House Speaker Alan Peter Cayetano.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Tupas, sinabi nito na hindi totoo ang nasabing impormasyon bagkus ang term sharing sa pagitan nina Cayetano at Marinduque Congressman Lord Allan Velasco ang pinagtutu-unan ng pansin.

Ayon kay Tupas, Magellan Formula ang sinusunod ng Kamara kung saan si Cayetano ay manunugkulan sa loob ng 15 buwan habang si Velasco naman sa natitirang 21 buwan.

Nauna ng sinabi ni Cayetano na kabilang sa mga dahilan upang mapaalis siya sa pwesto ay ang tungkol sa 2020 national budget at ang isyu sa prangkisa ng ABS-CBN.