-- Advertisements --

Ipinaliwanag ni Batangas 1st District Rep. Gerville Luistro ang pagkakaiba ng “persecution” at “prosecution” sa gitna ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Pahayag ni Luistro, kung walang ebidensya, ito ay political persecution. Pero kung may ebidensya, ito ay legitimate prosecution.

Si Luistro, isang abogada at miyembro ng prosekusyon sa impeachment panel, ay kabilang sa 11-kataong team na layuning makamit ang guilty verdict laban sa Bise Presidente.

Ito’y kasunod ng naging pahayag ni Duterte na ang kaso laban sa kanya ay isa umanong “pure political persecution.” Binanggit niya ang resulta ng isang pag-aaral kung saan 42% ng mga Pilipino ang hindi sang-ayon sa impeachment case, habang 32% naman ang pabor.

Ayon naman kay VP Duterte, siguro marami sa ating mga kababayan ang naiintindihan kung ano ang ginagawa laban sa kaniya at sa pamilya nito.

Ngunit giit ni Luistro, may matibay na batayan ang kaso at malalakas na ebidensya na sumusuporta sa seven articles of impeachment.

Ang pitong artikulo ng impeachment laban kay Duterte ay ang sumusunod:

  1. Sabwatan para ipapatay sina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Martin Romualdez;
  2. Malversation ng ₱612.5 milyon confidential fund;
  3. Panunuhol at katiwalian sa Department of Education;
  4. Di-maipaliwanag na yaman at hindi pagdeklara ng ari-arian;
  5. Pagkakasangkot sa extrajudicial killings (EJK);
  6. Pananabotahe, rebelyon, at pampublikong kaguluhan;
  7. Kabuuang asal at pag-uugali bilang Bise Presidente.

Binigyang-diin ni Luistro na hindi pwedeng hadlangan ng opinyon sa pag-aaral ang mandato ng Konstitusyon.

Mataas man o mababa aniya ang suporta sa impeachment, kailangan na isulong ang paglilitis. (REPORT BY BOMBO JAI)