-- Advertisements --

Inihayag ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte na hiniling ng kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte, na siya ay agad na i-cremate sakaling bawian ng buhay habang nakakulong sa The Hague, Netherlands.

Ayon kay VP Sara, na kasalukuyang nasa Netherlands upang dalawin ang kanyang ama, malinaw na umano ang huling habilin ng dating pangulo: huwag nang iuwi sa Pilipinas ang kanyang katawan kundi ipa-cremate na lamang ito sa bansang ikamamatay niya.

Nang tanungin kung ano ang kanyang naramdaman sa sinabi ng ama, sinabi ni Sara na normal lang ito para sa isang 80 taong gulang na kagaya ng dating pangulo.

Mabuti na rin ‘yun aniya na alam ng lahat kung ano ‘yung last wishes ng dating pangulo para magagawa ‘yun kapag nangyari.

Nauna nang inihayag ni VP Sara na labis ang ibinaba ng timbang ng kanyang ama simula nang ito’y makulong sa The Hague, at inilarawan pa niya ito bilang “butot-balat.”

Naaresto si Duterte noong Marso 11 sa Davao City ng mga lokal na awtoridad batay sa warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC). Siya ay kasalukuyang nakakulong sa Scheveningen Prison sa The Hague, kaugnay ng kasong crimes against humanity dahil sa umano’y libu-libong extrajudicial killings na naganap sa ilalim ng kanyang anti-drug campaign. (REPORT BY BOMBO JAI )