-- Advertisements --

Naghain si Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez ng House Bill No. 7663 na naglalayong magbigay ng P3,000 buwanang pensyon at social protection package para sa mga kwalipikadong matatanda, may kapansanan, at maralitang magsasaka na hindi saklaw ng SSS, GSIS, o pribadong retirement system.

Ayon kay Romualdez, mahalaga ang pagkakaroon ng pensyon upang mabigyan ng katiyakan sa pananalapi ang mga magsasakang madalas ay may mababa at hindi tiyak na kita, at napipilitang magtrabaho lampas sa edad ng pagreretiro. 

Aniya, makatutulong ang regular na pensyon upang mabawasan ang kanilang pag-asa sa pamilya at maiwasan ang pagbebenta ng ari-arian para sa pang-araw-araw na gastusin.

Ang panukalang  “Comprehensive Farmers’ Pension and Social Protection Act,” ay inakda rin ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre.

Sa ilalim ng panukala, ang kwalipikadong benepisyaryo ay kinabibilangan ng mga sumusunod: Mga magsasakang edad 60 pataas na walang natatanggap na pensyon; mga magsasakang may medikal na sertipikadong kapansanan; at mga magsasakang indigent na kinilala ng kani-kanilang LGU alinsunod sa Community-Based Monitoring System Act.

Itinatakda rin sa panukala ang pagbibigay ng P50,000 basic life insurance at hanggang P25,000 accident at disability assistance kada claim.

Ang Department of Agriculture, katuwang ang Department of Social Welfare and Development at Philippine Crop Insurance Corp., ang mangangasiwa sa implementasyon ng programa. Ang pondo ay isasama sa taunang badyet ng DA at DSWD.