Naghain ng resolusyon ang dalawang neophyte lawmaker na sina 1Tahanan party-list Rep. Nathaniel Oducado at FPJ Panday Bayanihan party-list Rep. Brian Poe na layong paimbestigahan ang lumalalang isyu sa online gambling.
Sa inihaing House Resolution No 40 ni Poe, ipinunto ng mambabatas na panahon nang siyasatin ang masamang epekto ng online gambling sa lipunan gaya ng away sa pamilya, pagkabaon sa utang, pag-drop out ng mga estudyante at mental health issues.
Binigyang-diin nito na importanteng masuri kung paanong posibleng napapalala ng financial institutions at electronic platforms ang paglaganap ng online gambling at kung sapat pa ba ang kasalukuyang batas gaya ng Anti-Financial Account Scamming Act at Cybercrime Prevention Act laban sa mga pagtakas sa regulasyon.
Sa panig naman ni Oducado, mahalaga na maimbestigahan muna ang isyu upang makabuo ng mga angkop na polisiya.
Sinabi ni Oducado na bagamat pabor siya sa total ban sa online gambling dapat din aniya isaalang alang ang sinasabing kita na posibleng mawala mula dito.
Tinukoy ng neophyte solon na batay sa datos, 1% lang sa mga nagsusugal ang bumuti ang kalagayan sa buhay at 9.8% ang mas nalubog sa kahirapan.