-- Advertisements --

Suportado ni Deputy Minority Leader at La Union Representative Paolo Ortega ang paghihigpit o posibleng pagbabawal sa online o electronic gambling sa bansa.

Giit ng kongresista, maraming kaso na ang nagtuturo na hindi nakabubuti ang naturang uri ng sugal sa mga pamilyang Pilipino.

Katwiran ng mambabatas, kahit na walang pera ang ilan sa mga online gambling player ay nagagawa pa rin nilang tumaya at magsugal sa tulong ng e-wallet service kung saan maaari silang umutang kaagad sa kanilang mga kakilala.

Inihalimbawa ng kongresista ang dating epekto ng e-sabong noong panahon ng pandemiya kung saan labis na nabaon sa pagkakautang at pagkalugi ang maraming mga Pilipino.

Binigyang-diin ng opisyal na dapat aralin ang panukalang ipagbawal o higpitan ito dahil maliban sa epekto nito sa mga pamilyang Pilipino ay tiyak din aniyang maaapektuhan ang mga mangagawang nagtatrabaho sa ilalim ng naturang sektor.

Sa huli, mas mabuti na aniya ang total ban sa online at electronic gaming kung hindi kaya ng simpleng regulasyon ang problema sa mga naturang sugal.

Sa 20th Congress, nagpakita na ng suporta ang maraming mambabatas para sa mas mahigpit na regulasyon sa e-gaming.

Sa ilalim ng Anti-Online Gambling Act of 2025 na pangunahing isinusulong ni dating Senate Pres. Juan Miguel Zubiri, iminamandato sa mga internet service provider, mobile network operator, at mga digital platform na pigilan o harangin ang access sa gambling website, salig sa mahigpit na regulasyon ng Department of Justice at Philippine Amusement and Gaming Corporation.