Iniulat ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) na bumagal ang paglago ng Philippine gaming industry sa ikatlong quarter ng taon, matapos maitala ang P94.51 billion na gross gaming revenue (GGR) nito mas mababa noong nakaaraang taon mula sa P94.61 billion.
Ayon kay Pagcor Chairman at CEO Alejandro H. Tengco, ang pagbaba ay dulot ng bagong patakaran ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nag-utos ng paghiwalay ng e-wallets mula sa mga lisensyadong online gaming platform.
Sinabi ng opisyal na lubhang naapektuhan ng repormang ito ang Electronic Games (E-Games) sector na aniya pinakamabilis lumago sa industriya.
Bagaman tumaas ng 17.4% ang GRR ng E-Games sa P41.95 billion kumpara noong nakaraang taon, bumagsak naman daw ang kita noong Agosto at Setyembre dahil sa mas mahigpit na patakaran sa digital payments.
Nababahala naman ang Pagcor sa pagdami ng iligal na online gaming sites na umaakit sa mga manlalarong lumipat mula sa mga lisensyadong platform.
Sa kabila ng pansamantalang paghina, nananatiling kumpiyansa si Tengco na makababalik ang industriya kapag nakapag-adjust na ang mga manlalaro sa bagong e-wallet rules at mapalakas ang pagpapatupad laban sa mga ilegal site.
Inaasahang maglalabas pa ang BSP ng karagdagang regulasyon, kabilang ang limitasyon sa halaga ng taya at oras ng pagdedeposito.














