Inihayag ng Department of Justice na kinakailangan pa munang isailalim sa pagsusuri o forensic examination ang narekober na sakong naglalaman ng umano’y mga buto ng tao.
Ito’y kasunod ng isinagawang initial technical site assessment sa Taal Lake ng kagawaran katuwang ang Philippine National Police at Philippine Coast Guard.
Ayon sa kagawaran, alinsunod ito sa susunod na hakbang na kanilang sinusundan, una rito’y ang pormal na sertipikasyong makapagsasabi na totoong mga buto ng tao ang natagpuan.
Anila’y manggagaling ito sa Philippine National Police Cybercrime Investigation and Detection Group o ng National Bureau of Investigation.
Kinakailangan rin anila magsagawa ng DNA testing upang matukoy kung may kaugnayan o tutugma ito sa isa sa mga kaanak ng mga nawawalang sabungero.
Kaya’t buhat nito’y inihayag ng National Bureau of Investigation na sila’y handang magbigay ng tulong at asiste sa isasagawang pagsusuri.
Ayon kay NBI Spokesperson Atty. Ferdinand Lavin, ang kawanihan ay maghahatid ng ‘forensic support’ sakaling pormal na hingin ang kanilang tulong.
Matatandaan na ang pagsasagawa ng technical site assessment o diving operation sa bahagi ng Taal lake ay kasunod ng ilantad ng isang testigo na dito umano inilibing ang mga nawawalang sabungero.
Buhat nito’y ang kasalukuyang kalihim ng Department of Justice na si Secretary Jesus Crispin Remulla ay sinabing ang pag-iimbestigang ginagawa ay isang proseso kung saan marami na aniya silang natutuklasan.