CAUAYAN CITY – Nasamsam ng mga kasapi ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Santiago City at Cauayan City Police Station ang baril at mga bala sa kanilang pagsisilbi ng search warrant sa isang bahay sa Barangay Tagaran, Cauayan City.

Nadakip sa nasabing operasyon si Benito Balauag, nasa tamang edad at residente ng nasabing barangay.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, kabilang sa mga nasamsam sa bahay ng suspek ang isang Cal. 45 at tatlong magazine nito, isang magazine ng KG9, isang magazine para sa M16 armalite rifle, 23 bala ng Cal. 45 at 29 na bala ng M16.

Isinagawa ng mga kasapi ng Criminal Investigation and Detection Group Santiago City at Cauayan City Police Station ang paghahalughog sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Reymundo Aumentado ng Regional Trial Court Cauayan City dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 o Illegal Possession of Firearms and Ammunition.

Nasa pangangalaga na ng CIDG Santiago City si Balauag para sa kaukulang disposisyon.