Pinagtibay ng kataastaasang hukuman ang bisa ng mga kasunduang pagbebenta ng lupa kahit pa walang kasulatan.
Ito ay kasunod nang mapagpasyahan ng Korte Suprema at bigyan ng resolusyon ang isang kaso hinggil sa bentahan ng lupa.
Ayon sa desisyong isinulat ni Associate Justice Samuel H. Gaerlan, kinatigan ng ikatlong dibisyon ng Korte Suprema ang berbal na bentahan ng lupa nina Marcos Batara at kanyang pamangkin na si Benedicto Ocampo.
Kung saan kahit walang pisikal na kontrata o kasulatan, binigyang diin ng korte na mayroon pa ring bisa ang pagbebenta ng lupa.
Ito’y dahil sa natanggap naman ni Ocampo, pinagbentahan, ang mismong titulo ng lupa at nakalipat naman na ito kasabay ng nakapagtanim pa sa kanyang ari-arian.
Ngunit ng mamatay naman ang nagbentang may-ari na si Batara, naiwan pa rin ang rehistro ng lupa sa kanyang pangalan.
Habang ang mga anak ng namayapang si Batara, na sina Noblesa at Ernesto ay tsaka pa lamang napag-alaman ang patungkol sa ari-arian.
Dito na sila nakatanggap ng notisya na magbayad ng hindi pa nababayarang buwis sa real estate at nalaman na duon na nakatira ang kanilang pinsan na si Ocampo.
Buhat nito’y nagsampa ng kaso ang dalawa para mabawi ang lupain kay Ocampo kasabay ng paggiit ng sila raw ang nararapat na tagapagmana.
Ang panig naman ni Ocampo ay binigyang diin na nabili niya ang lupa kay Batara noong ito’y nabubuhay pa ngunit wala silang naging kasulatan sapagkat namatay ang may-ari.
Base sa naging desisyon ng Regional Trial Court at Court of Appeals na humawak sa kaso, kinatigan nito ang panig ng mga anak na sina Noblesa at Ernesto.
Gayunpaman sa kabila nito, binaliktad ng kataastaasang hukuman ang pasya ng mga naturang korte.
Kung saan kinilala ng Korte Suprema at itinuring na may bisa pa rin ang pagbebenta ng lupa kahit na walang nakasulat na kontrata dahil ito ay ganap na o bahagyang naisakatuparan base sa Civil Code ng bansa.
Samantala sinabi naman ng korte na dapat kina Noblesa at Ernesto na ituloy ni Ocampo ang pagbabayad sa natitirang balanse ng presyo ng pagbili kasama ang kaukulang interes.