-- Advertisements --

Pormal nang ipinatupad ni Iranian President Masoud Pezeshkian noong Hulyo 2 ang isang batas na humihinto sa pakikipag-cooperate nito sa International Atomic Energy Agency (IAEA), ang nuclear watchdog ng United Nations (UN).

Sa bagong batas, ang anumang inspeksyon ng IAEA sa mga nuclear site ng Iran ay kailangan munang aprobahan ng Supreme National Security Council ng Tehran.

Tinuligsa naman ng Estados Unidos ang naging hakbang ng Iran at tinawag na “unacceptable” ang panukalang batas.

Maalalang inakusahan ng Iran ang IAEA ng pagkampi nito sa mga west country at pagtakip sa ginawang pambobomba ng Israel, na nagsimula matapos ideklarang lumabag umano ang Iran sa Nuclear Non-Proliferation Treaty (NPT).

Sinabi naman ng IAEA na naghihintay pa ito ng opisyal na impormasyon mula sa Iran.

Samantala, inamin ni Iranian Foreign Minister Abbas Araqchi sa isang panayam na lubhang nasira ang Fordow nuclear site matapos itong tamaan ng U.S. airstrikes.

Nagbabala naman ang U.S. State Department na dapat agad muling makipagtulungan ang Iran sa IAEA. Ayon kay spokesperson Tammy Bruce, maliwanag na lumalabag ang Iran sa mga obligasyon nito sa ilalim ng NPT, lalo na sa isyu ng undeclared nuclear materials at kakulangan sa access sa bagong enrichment facility.