Posibleng isama ng Department of Energy (DOE) ang nuclear energy sa kanilang de-risking initiative na kasalukuyang nakatuon sa geothermal energy, matapos lagdaan ng administrasyong Marcos ang Philippine Nuclear Energy Safety Act o PhilATOM Law.
Ayon kay DOE Energy Utilization Management Bureau Director Patrick Aquino, may posibilidad na suportahan ng mga multilateral na bangko gaya ng World Bank at Asian Development Bank ang mga proyektong nuclear, lalo’t nauna nang hinikayat ito ng administrasyong Biden sa U.S.
Ani Aquino, nararamdaman na rin ang interes ng mga dayuhang mamumuhunan sa nuclear energy sa bansa. Tinitingnan na rin ng DOE ang posibilidad na magkaroon ng hiwalay na auction para sa nuclear energy sa ilalim ng Green Energy Auction Program, kapag naayos na ang legal na batayan nito.
Kasabay nito, tinutulungan ng International Atomic Energy Agency (IAEA) ang Pilipinas na ayusin ang 19 na mahahalagang usaping pang-inprastruktura bago opisyal na maipatupad ang paggamit ng nuclear energy sa bansa.