Inanunsyo ni Energy Secretary Sharon Garin ang paglagda sa isang polisiya na magbibigay-daan sa pagtatayo ng kauna-unahang komersyal na nuclear power plant sa Pilipinas.
Ayon sa Department Circular No. 2005-10-0019, na nilagdaan noong Oktubre 2, binabalangkas nito ang tinatawag na “Pioneer Nuclear Power Plant (NPP),” na magiging batayan ng mga susunod na proyekto sa larangan ng nuclear energy sa bansa.
Kaugnay nito sa ginanap na Philippine International Nuclear Supply Chain Forum 2025 sa Taguig City, Oktubre 3, sinabi ni Garin na handang tumulong ang pamahalaan sa mga developer upang mapadali ang kanilang operasyon at pagkuha ng “offtake” o kasunduan sa pagbebenta ng kuryente.
Dumalo rin sa forum ang mga eksperto at opisyal mula sa iba’t ibang bansa tulad ng U.S., South Korea, Canada, UAE, Argentina, France, Finland, Hungary, at iba pa.
Tinalakay din sa forum ang pagbuo ng isang matatag na nuclear supply chain upang suportahan ang transition ng Pilipinas tungo sa malinis at matatag na enerhiya.
Bukod dito nagbigay rin ang International Atomic Energy Agency (IAEA) ng 19 pangunahing kinahaharap na problema sa imprastruktura na kailangang tugunan ng Pilipinas.
Sa kasalukuyan, wala pang bansa sa Southeast Asia ang may gumaganang komersyal na nuclear power plant, ngunit may plano na rin ang Vietnam, Malaysia, Indonesia, at Thailand na sumunod sa parehong istratihiya.