LA UNION – Humaharap ngayong sa kasong estafa ang isang hinihinalang investment scammer matapos itong maaresto ng pulisya sa bayan ng Bauang, La Union.
Nakilala ang suspek na si Rosemarie Calimlim, 56, residente ng lungsod ng Baguio.
Base sa reklamo ng mag-inang biktima na sina Agustina Laigo, 74, at anak nito na si Mona Fatima, 51, kapwa naninirahan sa Barangay Payocpoc Norte Oeste sa nasabing bayan, aabot umano sa mahigit P3 million na pera mula pa noong 2006 ang naipasakamay nila sa naturang suspek na nagsisilbing collector ng nagngangalang Steve Jones.
Pinangakuan umano ng suspek ang mga biktima na tutubo ang perang ipinagkatiwala ng mga ito ngunit hindi ito natutupad.
Sa pinakahuling paghingi muli ng pera ni Calimlim sa mag-ina ay isinagawa na ng pulisya ang isang entrapment operation sa loob ng fastfood chain kasunod ang pagkakaaresto nito.
Natuklasan din ng mga otoridad na bogus ang pangalang Steve Jones na ginagamit umano ng suspek upang makapanglinlang.
Nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya upang malaman kung may iba pa umanong nabiktima ang naturang suspek.