Umakyat na sa 186 ang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 mula sa mga tauhan ng Metro Rail Transit line 3 (MRT 3) at service provider na Sumitomo.

Ayon kay DOTr Director for Communications Goddes Hope Libiran, 169 sa mga ito ay naka-base sa depot, habang 17 naman ang nanggaling sa MRT stations.

Sinabi ni Libiran na mas pinalawak pa ang contact tracing dahil sa natuklasang 11 ticket sellers ang kasama sa mga infected ng virus.

Una rito, nilimitahan din ang bilang ng mga tumatakbong train, makaraang magpositibo ang tatlong drivers.

Maging ang isang nurse at dalawang control center personnel ay kasama rin sa mga dinapuan ng COVID-19.

Sa pagtaya ni Libiran, maaari pang magbago ang hawak nilang figure kapag natapos ang pagsusuri sa iba pang empleyado ng MRT-3.