Kinumpirma ng Indiana Pacers na hindi makakapaglaro sa kabuuan ng 2025-2026 season ang 2025 Eastern Conference Finals MVP na si Tyrese Haliburton.
Maaalalang sa Game 7 ng NBA finals sa pagitan ng Pacers at Oklahoma City Thunder ay nagtamo si Haliburton ng Achilles tendon injury kaya’t tuluyan siyang dinala sa locker room sa unang bahagi ng 1st quarter.
Batay sa statement na inilabas ng Pacers ngayong araw (July 8), buong season na hindi makakapaglaro ang bagitong guard, dahil hindi umano mamadaliin ng koponan ang pagbabalik ng kanilang star player.
Iginiit ni Pacers president of basketball operations Kevin Pritchard na hindi hahayaan ng koponan na bumalik muli ang injury ng star guard at sa halip ay ilalaan aniya ang lahat ng oras para tuluyan siyang gumaling.
Una nang sumailalim sa surgery si Haliburton noong June 23 sa Hospital for Special Surgery sa New York.
Naging matagumpay din ang operasyon ng bagitong NBA star at sa kasalukuyan ay patuloy ang kaniyang pagpapagaling.
Ngayong offseason, tuluyan ding lumisan ang isa sa mga core member ng koponan na humarap sa 2025 finals. Maaalalaang umalis na ang bigman ng Pacers na si Myles Turner at pumirma ng kaniyang kontrata sa Milwaukee Bucks, habang patuloy din ang pakikipag-usap ng Indiana sa ibang team para sa posibleng makukuhang kapalit ni Turner.