Nananatiling hindi malinaw ang status ni Indiana Pacers star Tyrese Haliburton kung makakapaglaro siya sa Game 6 kontra Oklahoma City Thunder na nakatakda sa Biyernes, June 20.
Unang iniulat ng Pacers na nagtamo ang all-around guard ng strain sa kaniyang kanang binti sa kalagitnaan ng Game 5 at kailangang sumailalim siya sa MRI upang matukoy kung gaano kalala ang naturang injury.
Kung babalikan sa Game 5, bigla na lamang naramdaman ni Haliburton ang pananakit ng kaniyang binti habang tumatakbo patungo sa paint area nang walang anumang contact sa mga kapwa player.
Agad siyang nagtungo sa locker room ngunit tuluyan ding bumalik sa 2nd quarter.
Ilang minuto matapos nito, muling bumalik sa locker room ang Indiana star ngunit tuluyan ding bumalik kinalaunan.
Bagaman nagawa niyang maglaro hanggang matapos ang laban, halata ang kaniyang mabagal na galaw at tuluyang nalimitahan lamang sa 4 points, 7 rebounds, at anim na asissts sa kabuuang ng Game 5.
Hanggang sa kasalukuyan, wala ding kumpirmasyon ang Pacers kung ano ang kasalukuyang status ng calf injury ni Haliburton.
Gayunpaman, sa panayam sa 1-time All-Star matapos ang laban, iginiit niyang kung kaya niyang maglakad, pipiliin umano niyang maglaro sa Game 6.
Kasalukuyang nasa 3-2 ang serye sa pagitan ng Thunder at Pacers kasunod ng dalawang magkasunod na panalo ng Thunder (Game 4, Game 5).
Gaganapin naman sa homecourt ng Pacers ang G6.