Hindi pa rin nakakapili si NBA superstar LeBron James ng koponang lilipatan. Mahigit dalawang linggo na ang nakalipas mula nang tuluyan niyang iwan ang Los Angeles Lakers upang pumasok sa free agency.
Sa kanyang unang public appearance mula nang umalis sa Lakers, natanong si LeBron kung mayroon na siyang napiling koponan.
Gayunpaman, hindi niya ito diretsong sinagot. Sa halip, nagpahiwatig lamang siya na malapit nang malaman ng publiko ang kanyang desisyon.
Sa kasalukuyan, ilang NBA teams na ang nagpahayag ng interes na makuha ang superstar, kabilang ang Cleveland Cavaliers at Miami Heat na dati na niyang pinaglalaruan at nadala sa NBA Finals.
Kasama rin sa mga nagpapakita ng interes ang Philadelphia 76ers, Golden State Warriors, Indiana Pacers, at iba pa.
Nangako naman ang four-time champion na saan man siya mapunta, sisikapin niyang mag-fit sa sistema ng naturang koponan at ibibigay ang lahat ng kanyang makakaya, sa kabila ng kanyang edad.















