-- Advertisements --

Kasunod ng impresibong panalo ng Indiana Pacers laban sa Oklahoma City Thunder sa Game 6 ng 2025 NBA Finals, siniguro ni NBA star Tyrese Haliburton ang muling paghahanda ng koponan para sa Game 7, ang huling laban sa best-of-7 series.

Sa panayam kay Haliburton matapos ang laro, sinabi niyang mas mahigpit ang gagawing pag-eensayo para sa huling laban.

Gugugulin aniya ng koponan ang nalalabing dalawang araw para pagbutihin pa ang team performance mula sa opensa hanggang sa gagamiting depensa laban sa Thunder.

Aminado ang Olympic champion na mas magiging mahirap ang Game 7 dahil maliban sa ito ay isang winner-take-all game, gaganapin pa ito sa Oklahoma City kung saan inaasahang magiging aggresibo ang fans.

Nang matanong ang bagitong star kung ano ang magiging taktika sa susunod na laban, tinukoy nito ang magandang ball movement, akmang depensa, at maayos na rebounding.

Malaki aniya ang tiwala ng bawat isa sa kapwa player para gawin ang kani-kanilang papel sa huling laban, kayat malaking bagay na makapagpahinga muna ang mga ito at makagawa ng akmang practice bago ang nakatakdang laban sa Lunes, Hunyo-20.

Tinukoy naman ni Haliburton bilang isang team effort ang impresibong panalo sa Game 6.

Aniya, nagawa nilang protektahan ang kanilang homecourt lalo at ayaw din nilang magkampeon ang Thunder sa Indiana.

Tumugon lamang aniya ang Pacers sa naturang hamon, bagay na nagbunga ng impresibong panalo at tinambakan ang kalaban, 108-91.

Maalalang bago ang Game 6 ay kwestyunable ang status ni Haliburton dahil sa kaniyang minor injury sa kanang binti.

Gayunpaman, tuluyan din siyang binigyan ng clearance upang maglaro at kinalaunan ay gumawa ng impresibong 14 points at limang assists sa loob ng 23 mins na paglalaro sa hardcourt.