Hindi sinagot ni Tyrese Haliburton kung tuluyan na siyang makakapaglaro sa Game 6 ng 2025 NBA Finals.
Ito ay sa kabila ng kaniyang pagsali sa team practice ng Indiana Pacers kung saan nakibahagi siya sa ilang shooting drill, walkthrough, at panunuod at pagrepaso sa ilang basketball film upang mapagbuti ang performance.
Nang matanong si Tyrese kung makakapaglaro siya sa Game 6, kasunod ng mahaba-habang team practice, sinabi niyang patuloy itong isasailalim sa assessment upang tukuyin kung maaari na siyang makipag-sabayan sa iba pang player.
Naging maayos aniya ang ginawa nilang team practice isang araw bago ang Game 6 at umaasa rin ang Pacers guard na magiging maayos ang kaniyang kondisyon para sa susunod na laban.
Si Haliburton ay isa sa pinakamahalagang parte ng Indiana dahil sa kaniyang all-around performance sa bawat laro. Nagagawa niyang makapag-contribute sa opensa sa pamamagitan ng magandang shooting percentage at assists, habang nakikipagsabayan din sa iba’t-ibang aspeto ng depensa.
Hawak ng Pacers ang 0-3 record sa tuwing mas mababa sa 10 points ang score ni Haliburton, habang nahihirapan din ang 2nd scorer ng koponan na iposte ang panalo.
Giit ng 1-time NBA All-Star, buo ang kaniyang loob na maglaro sa Game 6 at tulungan ang Indiana na maipanalo ang naturang laban.
Sa loob ng dalawang araw na pamamahinga mula noong natapos ang Game 5, sinabi ni Haliburton na walang masyadong maaaring gawin para sa strained calf, maliban lamang sa ilang minor exercise at pagsunod sa medical protocol na itinakda ng mga health professionals.
Dahil sa limitadong panahon aniya, kailangang mahigpit na sundin ang payo ng mga medical professionals upang maging mas komportable ang kaniyang kalagayan at tuluyang makabalik sa paglalaro sa lalong madaling panahon.
Sa huli, iginiit ng 2025 Finals MVP contender na tiwala siya sa magiging desisyon ng mga medical staff at ng koponan bago pa man ang nakatakdang Game 6.
Maraming pagkakataon aniya na ipinagkatiwala sa kaniya ng mga medical staff ng koponan ang personal na pagdedesisyon sa paglalaro mula pa sa mga nakalipas na regular season games.
Giit ng Olympic gold medalist, tiyak na buo ang kaniyang loob na maglaro sa naturang laban
Bukas, June 20, tatangkain ng Pacers na iposte ang panibagong panalo at paabutin ang serye laban sa Oklahoma City Thunder sa Game 7.