-- Advertisements --

Kinumpirma na ng Indiana Pacers na nagtamo ng torn right Achilles tendon si Tyrese Haliburton, kasunod ng kaniyang paglalaro sa Game 7 ng NBA Finals kahapon, June 23.

Sa inalabas na statement ng koponan ngayong araw, nakasaad dito na sumailalim sa MRI ang Indiana star at lumalabas na apektado ang Achilles tendon ng kaniyang kanang binti.

Ayon sa koponan, nakatakda ang operasyon sa Pacers star ngayong araw sa Hospital for Special Surgery sa New York. Ito ay pangungunahan ni Dr. Martin O’Malley, isa sa mga kilalang Orthopedic Surgeon sa US.

Sa kasalukuyan, hindi pa malinaw kung gaano kahaba ang gugugulin ng bagitong star at kung tuluyan din siyang makakabalik sa paglalaro sa susunod na season.

Batay sa kasaysayan ng NBA, maraming mga kilalang NBA player ang dumanas na ng Achilles injury at umabot ng hanggang 12 buwan ang kanilang recovery mula sa araw ng surgery.

Gayonpaman, marami rin sa kanila ang tuluyang nakakabalik sa paglalaro ng basketball matapos ang matagumpay na operasyon.

Ngayong postseason, tatlong NBA player na ang dumanas ng Achilles injury. Maliban kay Haliburton, nagtamo rin ng kaparehong injury sina Jayson Tatum at Damian Lillard habang nasa kalagitnaan ng Playoffs.