-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Mariing idenepensa ng grupong Mayors for Good Governance ang kanilang paglutang upang isulong ang independent investigation ukol sa nakakagulantang na isyu ng umano’y nakawan sa mga pondo na inilaan para sa mga proyektong imprastraktura ng bansa.

Ito’y kahit bumuo ang Kamara ng tri-committee upang magsagawa rin ng sariling imbestigasyon sa nabisto na kalabulastugan na mga pagpapatupad ng mga proyekto katulad ng flood control projects gamit ang higit 500 bilyong piso na kadalasan naipatupad umano sa ilang mga probinsya ng Luzon at Visaya region.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Kauswagan town, Lanao del Norte Vice Mayor Rommel Arnado,co-convenor ng Mayors For Good Governance na hindi na sana sila kikilos ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong at iba pang mga alkalden ng bansa kung sineryoso at tinatrabaho ng pamahalaan na pugsain ang nasa likod ng malawakang pagdarambong ng pondong-bayan.

Sinabi ni Arnado na bagamat kaunting huli na ang kanilang pagkilos subalit titiyakin umano nila na mayroong aksyon na maipakita para sa sambayanang-Filipino.

Magugunitang maging ang senado ang napakagsimula na sa kanilang imbestigasyon at katakot-takot ang mga nadiskobre na sabwatan ng ilang mga opisyal ng gobyerno upang mabulsa ang bilyun-bilyong halaga ng pondo gamit ang substandard o kaya’y ghost government projects.

Napag-alaman na umalma ang mga miyembro ng Kamara sa pasabog ni Magalong at Senator Panfilo Lacson na ilan umano sa mga kongresista ay mismong mga kontratista ng mga proyekong-gobyerno.