Ipinauubaya na ng Malacañang sa Kamara ang pagpapasya kung iimbestigahan ang umanoy anomalya sa hosting ng Pilipinas sa katatapos na 30th Southeast Asian Games.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, bahala na ang mga kongresista kung iimbestigahan ang kanilang kasamahan na si dating House Speaker at Taguig Congressman Alan Peter Cayetano na siyang chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC).

Magugunitang umabot sa P6.8 billion ang inilaang pondo ng pamahalaan sa PHISGOC maliban pa sa mga pribadong sponsors.

Ayon kay Sec. Roque, may binuo na ring fact-finding investigation ang Ombudsman.

“We note that the Office of the Ombudsman (OMB) has already created a panel last year to carry out a fact-finding probe in our hosting of the 2019 SEA Games. We welcome this move of the OMB in the same way that we leave the matter to the House of Representatives to conduct an investigation, if need be, on the use of government funds during last year’s SEA Games,” ani Sec. Roque.

Umaapela naman si Sec. Roque sa mga nagbabalak na mag imbestiga, huwag naman sanang sirain ang karangalan ng mga atleta at nag-organisa ng SEA Games na nagbigay karangalan sa bansa.

“The 30th Southeast Asian (SEA) Games showcased not only our local athletes at their best but also demonstrated our successful hosting of a world-class sporting event. Let us, therefore, not dishonor the men and women who gave honor and glory to the country by engaging in political innuendos and witch hunts.”