Nag-abiso ang Manila Electric Company (Meralco) ng dagdag-singil sa kuryente ngayong Hulyo na P0.4883 kada kilowatt-hour (kWh), kaya’t tataas ang kabuuang singil sa P12.6435/kWh mula P12.1552/kWh noong Hunyo.
Ang taas-singil ay inaasahang magdudulot ng humigit-kumulang P98 dagdag sa bill ng karaniwang bahay na kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan.
Ayon sa Meralco, ang taas-singil ay bunsod ng mas mataas na generation charge, na dulot ng pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado at panghina ng piso kontra dolyar.
Dagdag pa nito na tumaas ang singil mula sa kanilang mga Power Supply Agreements (PSAs) at Independent Power Producers (IPPs).
Bahagyang nabawasan naman ang epekto ng taas-singil dahil sa P0.1703/kWh na pagbaba sa presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Tumaas din ang transmission charge ng P0.0734/kWh at ang iba pang bayarin tulad ng buwis na nagdagdag ng P0.0742/kWh.
Nilinaw ng Meralco na hindi gumalaw ang kanilang distribution charge mula pa noong Agosto 2022, at patuloy pa ring ipinatutupad ang bawas-singil na P0.2024/kWh para sa residential customers.