Inilatag na ng Manila Electric Company (Meralco) ang mga tauhan nito upang agad na tumugon sa mga power-related concerns habang patuloy na nararanasan ang epekto ng Bagyong Ramil (Fengshen) sa ilang bahagi ng Luzon.
Sa pahayag ng kumpanya nitong linggo, sinabi nito na mahigpit nilang mino-monitor ang sitwasyon, lalo na’t sa 17 lugar ang nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 2, at 30 lugar naman ang nasa Signal No. 1.
Naka-standby narin umano ang kanilang mga crew 24/7 upang tiyaking agad na maibalik ang suplay ng kuryente sa oras ng aberya.
Nagpaalala rin ang Meralco ng mga electrical safety measures sa panahon ng pagbaha, gaya ng pagpatay ng main power switch, pag-unplug ng mga appliances, at pagpapatuyo ng mga ito bago gamitin muli. Iminungkahi rin na kumonsulta sa lisensyadong electrician bago ibalik ang suplay ng kuryente.
Ang Meralco ang nangangasiwa sa power distribution sa Bulacan, Cavite, Metro Manila, Rizal, at ilang bahagi ng Batangas, Laguna, Pampanga, at Quezon.