-- Advertisements --

Muling nagbanta si U.S President Donald Trump ng secondary sanctions sa mga bansang bumibili ng langis at iba pang produkto mula sa Russia.

Ginawa ng Pangulo ng Amerika ang pahayag matapos ianunsyo ang pagpapadala nito ng Patriot missile system sa Ukraine kung saan binigyang diin ni Trump na ang sanctions ay ipapataw kung hindi papayag si Russian President Vladimir Putin sa 50-araw na tigil putukan.

Ayon sa ilang eksperto, layon ng hakbang ni Trump na bigyan ng matinding pressure ang Russia, na patuloy na kumikita mula sa oil exports sa China at India.

Habang ikinalugod naman ito ng Kyiv, ngunit may ilan pa ring nagdududa sa tunay na intensyon ni Trump, na dati ay mas maingat sa pagbibigay ng suporta sa Ukraine.

Ayon sa Pangulo, nagbago ang kanyang posisyon dahil nadismaya siya kay Putin dahil sa patuloy na ginagawang pag-atake sa Ukraine sa kabila ng usapang pangkapayapaan.

Nagbigay si Trump ng 50-araw na palugit bago tuluyang ipatupad ang mabibigat na taripa at parusa.

Samantala, nagpapatuloy pa rin ang digmaan sa Ukraine na ngayon ay nasa ika-apat na taon na, kung saan nasa 20 porsyento pa rin ng teritoryo nito ang kontrolado ng Russia.