Handa ang House Committee on Ethics na dinggin ang anumang reklamong maaaring ihain laban kay Leyte Rep. Richard Gomez, matapos siyang makuhanan sa video na umano’y nanakit kay Philippine Fencing Association (PFA) president Rene Gacuma sa SEA Games sa Thailand.
Ayon kay committee chair 4Ps party-list Rep. JC Abalos, wala pang pormal na reklamo laban kay Gomez kaya’t umiwas muna siyang magkomento sa insidente. Gayunman, iginiit niya na hindi kinukunsinti ng Kamara ang anumang uri ng karahasan, lalo na mula sa mga public officials.
Kahit naka-Christmas break ang sesyon, sinabi ni Abalos na nangangalap na sila ng impormasyong maaaring magsilbing gabay sakaling may ihain na ethics complaint. Aniya, maaari ring magsagawa ng motu proprio investigation ang komite kung may mosyon mula sa mga miyembro.
Samantala, sinabi ni Gacuma na nagalit umano si Gomez matapos malaman na pinalitan ang isang miyembro ng Philippine fencing team. (report by Bombo Jai)















