-- Advertisements --

Lumago ng 8.8% ang ekonomiya ng Bohol noong 2024, na naglagay sa lalawigan bilang pinakamabilis na umunlad sa Central Visayas at ika-anim sa buong bansa.

Pangunahing nagtulak sa pag-angat ng ekonomiya ang muling pagbangon ng turismo, na nagpasigla sa mga hotel, kainan, transportasyon at kalakalan kasunod ng pagdami ng mga bumibisitang turista.

Bukod sa turismo, nag-ambag din sa paglago ang mga sektor ng agrikultura, panggugubat at pangingisda, na nagbigay ng mas malawak at balanseng pag-unlad sa lalawigan.

Inihayag ni Atty. John Titus Vistal, pinuno ng Bohol Provincial Planning and Development Office, ang pagpasok ng mga bagong pamumuhunan at paglawak ng mga negosyo ay nagbunga ng mas maraming oportunidad sa trabaho, lalo na sa turismo at business process outsourcing.

Ipinaliwanag pa ni Atty. Vistal na bagama’t hindi agad nakikita ang epekto ng paglago ng ekonomiya, malinaw ang ugnayan nito sa pagtaas ng kita ng mga manggagawa at sa mas malaking kakayahang gumastos ng mga pamilya.

Binigyang-diin din na taliwas ito sa karanasan noong pandemya, kung kailan bumagal ang ekonomiya at maraming nawalan ng hanapbuhay, dahilan upang higit pang pahalagahan ang kasalukuyang pag-angat ng ekonomiya ng Bohol.