Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mahigpit nitong binabantayan ang mga kaganapan kaugnay ng mass shooting sa Tumbler Ridge Secondary School at isang tahanan sa Tumbler Ridge, British Columbia, Canada.
Ayon sa DFA, nakikipag-ugnayan ang Philippine Consulate General sa Vancouver upang alamin ang sitwasyon. Sa ngayon, wala pang opisyal na kumpirmasyon sa pagkakakilanlan at nasyonalidad ng mga nasawi at nasugatan. Aktibo rin umanong kinokontak ng Konsulado ang mga miyembro ng Filipino community sa lugar at handang magbigay ng agarang tulong konsular sa mga apektadong kababayan.
Batay sa ulat ng Royal Canadian Mounted Police, siyam ang nasawi—pito sa isang secondary school—habang 27 ang sugatan, kabilang ang dalawa na may malubhang pinsala. Iniulat din na nagpakamatay ang suspek matapos ang insidente. Hindi pa nagbibigay ng detalye ang mga awtoridad sa pagkakakilanlan ng suspek. (report by Bombo Jai)















