-- Advertisements --

Asahan na ang malalakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa ngayong araw, dulot ng umiiral na southwest monsoon o habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Magkakaroon ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa mga sumusunod na lugar sa Western Visayas, Negros Island Region, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, Davao Region, Occidental Mindoro, Romblon, Palawan, at Southern Leyte.

Nagbabala naman ang weather bureau para sa posibleng flash floods at landslide sa mga naturang lugar bunsod ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan pag-sapit ng hapon o gabi.

Samantala, magdadala rin ang habagat ng mga panaka-nakang pag-ulan sa natitirang bahagi ng bansa.

Bukod dito, binabantayan din ng state weather bureau ang isang LPA na nasa 1,925 kilometers east northeast of extreme Northern Luzon, sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ang nasabing low pressure area (LPA) ay hindi naman inaasahang papasok sa PAR ayon sa state weather bureau.