-- Advertisements --

Ilang scenario ang nakikitang posibilidad ng Phivolcs na posibleng mangyari sa Taal volcano.

Patuloy pa rin kasi ang pagbuga ng usok ng naturang bulkan, na indikasyon ng nananatiling abnormalidad.

Ayon kay Phivolcs Dir. Renato Solidum, nakikita pa rin ang paglakas ng usok nito mula sa steaming na dulot ng volcanic gas na nasa main crater.

Dahil dito, nagbabala muli ang mga eksperto ng panibagong phreatomagmatic eruption tulad ng nangyari noong Hulyo 1, 2021.

May posibilidad din na mangyari ang base surge, kung saan sasabog ang mainit na gas, abo at volcanic debris.

Tinitignan din nila ang posibilidad na magkaroon ng tuloy-tuloy na eruption kapag natuyo ang tubig sa lawa, kung saan maaari itong magdulot ng tila fountain ng nagbabagang bato na susundan ng lava.

Gayunman ang mas inaasahan ng ahensya ay ang tumigil na sa pag aalburoto ang bulkan.